Susubaybayang KA-I-BI-GAN
Munting serye hango sa talaarawan ni Ian Gabriel
II Ang Gabing Hindi Malilimutan
Alas tres nang hapon. Ako at si Joe ay puros nakaporma.Sari-saring pabango ang nagkalat sa kama. Iba’t ibang kulay ng kurbata ang nakahanay upang mapagpilian. Ngayon lang yata kami nagkasama nang ganito. Kami ay masaya ngunit seryoso. Para bang may kung anong kaba ang bumabalot sa amin. Iba’t-ibang kwento na ang aming narinig. May kwento ng pagpaparty matapos ang gabi. May ilang dumidiretso sa kung saan at pagmulat ng araw ay mulat na rin sila sa hubad na katotohanan. Mayroong inuman. Mayroong ding kasiyahang nararamadaman ng isang kabataan sa simpleng pakikipagsayaw sa taong malapit sa kanyang puso. Ang ilan ay tunay nga namang nakakapagpakaba, ang ilan naman ay nakapagdudulot ng di maipaliwanag na kagalakan.
Ngunit iba pala ang pakiramdam na heto na, na dumating na nga ang araw kung saan kami na mismo ang makakaranas ng mga pangyayaring sa kwento lamang namin nalalasap noon.
Dala ni Joe ang bago at magarang niyang sasakyan, sasakyang kabibigay lamang ng kanya ng mga magulang bilang regalo para sa nalalapit na pagtatapos ng hayskul. Kanyang sinundo ang kadate na si Mika kaya hindi ako nakisabay sa kanya. Solo ako. Tulad nang dati, solo pa rin ako sa gabing ito.
Mag-isa kong tinahak ang para bang napakahabang daan papasok sa hotel kung saan gaganapin ang aming grad ball. Halos lahat ng madaanan ko ay may dalawang pares ng ngiting sumasalubong sa akin. Binalutan tuloy ako ng konting takot. Hindi kaya ako lang magsosolo sa gabing ito? Inisip ko tuloy na sana ay inimbita ko na nga lang si Jane. O kaya naman si Zoey. Ngunit naisip-isip ko, mabuti nang ganito kaysa naman ma kasama nga ako, ibang babae naman ang iniisip-isip at sinisigaw ng puso ko.
Patuloy ko pa ring tinahak ang daan, paakyat sa napakataas na hagdan, hagdang para bang ang baitang ay walang katapusan. Sa wakas ay narating ko rin ang pinto ng kwartong pagdarausan ng aming grad ball.
Hindi pa man ako nakakapasok ng kwarto ay may nanukso na agad sa akin.
Shina: Hey Gab! Sino kadate mo?
Gab: Wala eh.
Shina: Whaat?! Sana ako na lang…hehe (sabay tingin sa katabi niyang si Nikoh)
Sige magregister ka na.
Matapos isulat ang aking pangalan at pirma, pumasok na ako sa kwarto kung saan may mangilan-ngilan ng tao. Umupo ako sa isang mesa. Tila yata ay wala pa ang barkada. Makalipas ang ilang minuto, ako ay lumabas upang pumunta ng palikuran.
Sa aking paglalakad pabalik, napansin ko sina Jake at Raiza, nagpapakuha ng litrato sa bawat angulo ng hotel. Napangiti na lang ako sabay kaway sa kanila. Ang sarap nga siguro ng may kasama sa gabing iyon.
Maya maya’y nagkita kami ni Zandro. Bago dumating ang gabing ito ay alam kong hindi niya nagawang maglakas ng loob na lumapit kay Kylene. Kumalat din ang balita sa pamamagitan ng panunukso na may nauna nang nakapag-imbita dito. Kung sino ay misteryo pa rin sa akin hanggang sa gabing ito. Isa iyon sa dahilan kung bakit ako naririto sa gabing ito. Naisip ko mang hindi na sana pumunta, nanaig ang pagnanais kong malaman kung sino ang lalaking iyon na binuhusan yata ng lahat ng swerte nang maipanganak. Ang isa ko pang rason ay ang makita lang naman ang babaeng higit pa sa prinsesa ang ayos sa gabing iyon.
Nag-usap muna kami ni Zandro tungkol sa maliliit na bagay. Ilang minuto pa ang lumipas at dumating na si Joe, kasama si Mika. Akin silang sinalubong habang si Zandro ay nagpunta sa kanyang barkada. Maya-maya pa’y sabay ring nagdatingan ang iba ko pang kaibigan sa paaralan. Napuno ang mesang aming inuupuan. Ngunit kasama ko man sila sa mesa ay parang wala rin sila. Lumilipad ang aking isip. Gulong-gulo pa rin ako sa kung sino pa kaya ang aking mga karibal sa kanya.
Di pa nagtagal ay dumating din siya. Kasama si Martin, isa sa mga pasaway na napailalim sa akin sa CAT. Bakit siya?!?! Masakit man ay mas matatanggap ko yatang si Zandro na lang nakadate niya. Wala naman akong personal na galit kay Martin. Mayroon lang akong pakiramdam na tiyak na mas maaalagaan ni Zandro si Kylene kumpara kay Martin.
Lumalim ang gabi at isa-isang nagtayuan ang mga magpares upang sumayaw sa mabagal na kanta. Maya-maya nama’y mabilis na mga kanta ang pinatugtog. Makalipas ang ilang sandali, hinatak ako ni Jake upang isayaw ko naman daw ang kadate niyang si Raiza at nang hindi ako nagmumukmok sa isang tabi. Nagsayaw kami ng 4 na kanta.
Sa aming pagsasayaw, di nakatakas sa aking pansin ang isa pang lalaki na tila may galit sa mundo at nagmumukmok sa isang mesa. Maya-maya pa’y nilapitan siya ni Robert, ang center namin sa basketball team.
Robert: Hey Ivan! Kawawa ka naman diyan.
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang pero parang namataan kong sumulyap ito sa pwesto nila Kylene at Martin. Naisipan ko tuloy tumayo at lumakad palapit pwesto nila. Tiyempong nakita kong nakaupo ang isa pa naming kaklase na si Annie, na mag-isa sa mesa sa tabi ng inuupuan ni Ivan. Kinawayan ko ito. Naisip kong ayain na ring makipagsayaw sa akin gayung pareho naman kaming walang kapartner. Sa aking pagdaan malapit sa mesa nila Ivan, pilit kong nilakasan ang aking pandinig, at akin ngang napag-alaman na tama ang hinala ko. Ang nararamdaman ni Ivan sa gabing iyon ay di nalalayo sa aking nararamdaman nang mga oras na iyon. Magkaiba nga lang kami ng stilo ng pagdadala nito.
Ian: Care to dance?
Annie: Nah, sure.
Nakadalawang sayaw rin kami ni Annie nang lumapit si Mika sa akin.
Mika: Hey Ian! Sayaw mo naman ako. Pagod na ako makasayaw si Joe eh. (sabay kindat sa partner niyang si Joe).
Maya-maya’y nagkasalubong ulit kami ni Zandro. Tinanong ko siya
“Have you danced with her?”
Hindi na kailangan ng pangalan, kami ay sadyang nagkakaintindihan.
Nginitian niya ako. “Nope…not yet!”
Ako’y naglibot-libot pa sa labas. Naka labing-apat na mniuto rin akong nag-ikot-ikot sa hotel. Matapos maglibot ay kinailangan kong magpunta ng palikuran. Ako’y papunta sa naturang destinasyon nang tumambad sa aking harapan ang mukha ng dalawang masayang nilalang. Si Kylene at si Martin na nagpapakuha ng kanilang litrato. Nagdurugo man ang puso ko sa bawat hakbang ko ay kinailangan ko pa ring dumiretso dahil iyon lamang ang daan papuntang palikuran. Kahiya-hiya rin naming bigla akong tumalikod at lumakad pabalik na para bang may biglang nakalimutan.
Sa aking pagbalik, napansin kong tapos na silang magpakuha ng litrato at naroon na sila ni Martin nakaupo sa kanilang mesa. Nagkkwentuhan lamang. Mabilis na tugtugin. Isa ito sa napansin ko nang gabing iyon. Tuwing tutugtog ng mabilis na awit, si Kylene ay mauupo at makikipagkwentuhan lamang.
Ilang Segundo na lang siguro at mahahalata na nang buong bayan ang pagtitig ko sa dalaga kundi ako hinatak ni Jane. Hindi ko man siya inaya, nakapunta pa rin siya sa naturang pagsasalo dahil libo-libo yata ang lalakeng nakapila para maaya siya sa gabing iyon. Nagsayaw kami sa tatlong mabilis na tugtog. Grabe. Kay galing talaga niyang sumayaw. At sa bawat ikot ng kamay, sa bawat kembot ng bewang, hindi maalis sa isip ko na tila’y ang babaeng kasayaw ko ay kayang gawin ang lahat sa mundo. Matapos ang tatlong tugtog, tila’y nag-aagawan ang mga lalakeng nais humawak sa kanyang kamay. Kaya’t ako’y nawala na sa eksena at napuntang muli sa tabi ni Zandro.
“Hey man!”
“Oh hey! What’s up?”
Napansin kong abot tenga ang ngiti niya kaya’t akin muli siyang tinanong.
“I guess you’ve danced with her..”
“Yup!”
Buti pa siya. Buong gabi akong humanap ng pagkakataong makasayaw siya, o di man kaya, makausap at makasama sa kakaunting sandali. Ngunit para bang ayaw talagang pumayag na madaplisan man lang ng aking kamay ang kanyang balat. Tila yata ay tulad ni Jane, pinilahan rin siya ng lahat ng lalakeng naroon nang gabing iyon. Sa aking bawat tingin ay mayroon siyang kasayaw, at sa kalahati nang oras na iyon ay ang napakamapalad na si Martin ang may hawak ng kanyang mga kamay. May dalawang beses lamang akong napalingon at nakitang wala siyang kasayaw at wala rin si Martin sa paligid. Naroon lamang siya nakaupo’t nakikipagkwentuhan sa mga kaibigang kababaihan. Gustuhin ko mang tumakbo sa kanyang tabi at alukin siyang sumayaw ay hindi ko magawa dahil sa dalawang sandaling iyon, ako’y isinasayaw ni Mika at ni Jane.
Maituturing ko naming matagumapay ang pagdaraos sa gabing iyon. Siguro ay 1 hanggang 2 porsyento lang ng mga nagpunta ang umuwi nang hindi nakangiti. At mapabilang man ang puso ko doon ay hindi ang aking mukha dahil ni isa sa aking mga kasama ay walang kamalay-malay na kanina pa nangingilid ang mga luha sa aking mata.
Tumuloy ang barkada sa isang bar upang magsalo sa konting inuman. Bago pa man iyon ay muli ko siyang nakita. Suot ang damit na kulay kahel, ayos na ayos ang buhok at nakamaku-up. Sabay silang umuwi ni Martin. Marahil ay ihahatid siya nito hanggang bahay.
Tanaw ko siya hanggang sa pagsakay sa sasakyan. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang aking nararamdaman…Tila ay hanggang tanaw ko lang siya.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home